Nahaharap ngayon sa kasong panggagahasa sa isang 23-anyos na dala­gang negosyante ang isang Taiwanese national na empleyado ng Okada Manila, ang casino resort and hotel complex sa Parañaque City na pag-aari ng Japanese tycoon na si Kazuo Okada.

Ang 23-anyos na biktimang itinago sa pa­ngalang Nancy ay naghain ng reklamo sa Women’s and Children Protection Desk (WCPD) ng Parañaque Police laban sa suspek na kinilalang si Andy Chang, nasa hustong gulang, binata.

Sa report ni Senior Inspector Jerry Vasquez, hepe ng WCPD, dakong alas-10:50 ng umaga noong Oktubre 3 nang magtungo sa kanilang tanggapan si Nancy at base sa sinumpaang salaysay nito kay PO2 Ancie Espaldon, may hawak ng kaso, nagsimula ang insidente pasado alas-sais ng gabi noong Setyembre 30.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Nancy na sinundo siya ni Chang sa Mall of Asia para kumain sa isang Chinese restaurant sa Macapagal Boulevard. Pagkatapos ay sumakay sila sa likod ng isang ­kotse na minamaneho ng drayber ni Chang at sinabi nitong ihahatid na siya sa bahay nila sa Sucat, Parañaque.

Habang nasa biyahe, nagsimula na aniyang maging malikot sa kanya si Chang.

“Hinahawakan po niya ang mga kamay ko pero tinataboy ko ang kamay niya at dito na ako nagduda sa kanya,” sabi ni Nancy.

Hanggang sa inutusan ni Chang ang kanyang drayber na ihinto ang sasakyan sa harap ng par­king lot ng SM Sucat bandang alas-otso ng gabi.

“Pinababa po sa kotse ‘yun driver niya hanggang sa kami na lang dalawa sa loob ng kotse at dito na niya hinawakan ang magkabilang dede ko kaya nagpupumiglas ako pero bigla niya akong dinaganan at hinila niyang pababa ang suot kong short at panty sabay na binaba na rin niya ang kanyang suot na short at brief at dito na po niya ako pinagsamantalahan hanggang sa makuha niya ang aking pagkababae,” maiyak-iyak na pahayag ng biktima habang kinukuhanan ng salaysay ni PO2 Espaldon.

Nagsisigaw at hu­mingi ng tulong si Nancy pero tinatakpan ang kanyang bibig ni Chang para walang makarinig sa kanya.

Nagpupumiglas si Nancy pero hindi nito kaya dahil malaking tao aniya si Chang hanggang sa nakaraos ito sa kanya.

Nang makatapos si Chang ay nagbihis na ito habang iyak naman nang iyak si Nancy na nagmamakaawa sa kanya.

Sinabihan pa umano ni Nancy ang suspek na ire­reklamo ito pero sinabi nito sa kanya na magbabayad siya kahit magkano.

“Sinabi ko po sa kanya na hindi ako bayarang babae at sabay akong bumaba ng sasakyan at mabilis akong sumakay ng taxi pauwi ng bahay,” ayon pa sa salaysay ni Nancy.

Nang makauwi na sa kanilang bahay, nagsumbong si Nancy sa kaibi­gang si Mary Jane Lagman na ni-rape siya ni Chang.

Pahayag pa ng biktima, nakilala lamang niya si Chang sa isang sikat na coffee shop sa Macapagal Boulevard noong Agosto habang kasama niya ang kaibigang si Lagman.

Lumapit umano sa kanila si Chang habang nagkakape sila sa coffee shop at nagpakilala saka kinuha ang kanyang cell phone number. Mula noon ay madalas na aniyang tumawag sa kanya si Chang para makipagkaibigan.

Isinampa na ng pulisya sa Parañaque City Pro­secutor’s Office ang kaso laban kay Chang noong Oktubre 4 pero napag-alaman na wala na umano sa Pilipinas ang suspek at nasa ibang bansa na.

Samantala, tinangkang makipag-ugnayan ng Abante sa tanggapan ng Okada Manila kaugnay sa kasong kinasasangkutan ng isa nilang empleyado pero walang makausap na opisyal nito dahil araw ‘di umano ng Linggo.