Bata ni PNP chief tinadtad ng bala

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang riding-in-tandem ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) habang nasa loob ng kanyang sport utility vehicle (SUV) na nakaparada sa isang auto parts and vulcanizing shop sa Makati City nitong Lunes ng umaga.

Dead on-the-spot ang biktimang si Police Major Jeffrey Dalson, 43-anyos, taga-525th Brgy. East Rembo, Makati City at nakatalaga sa tanggapan mismo ni PNP Chief Police General Archie Gamboa makaraang paulanan ng bala kung saan base na rin sa mga saksi ay pitong putok ang kanilang narinig. Ang biktima ay nagtamo ng mga bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Nabatid na isa ring pulis ang asawa ni Dalson na si Police Capt. Maricel Dalson na nakatalaga sa PNP-Region 8, Cagayan De Oro.

Sa report ni Police Maj. Gideon Ines Jr., hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Makati City Police, alas-7:05 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa tapat ng Avash Trading sa JP Rizal Ext., corner 29th ave., Brgy. East Rembo.

Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) footage pumasok sa kanyang Ford Everest na may plakang NAM 5758 ang biktima mula sa nasabing auto shop.

Habang nakaupo siya sa driver’s seat at may kumausap sa kanyang lalaki ay sumulpot na ang isang NMAX motorcycle na hindi naplakahan, bumaba ang backrider at pinagbabaril ang police official.

Hindi pa nakuntento, nagtungo pa sa may passenger seat, binuksan ang pinto ng SUV at muling pinaputukan ng suspek ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay tumakas na ang suspek kasama ang nakaabang na rider sa kanilang get-away motorcycle.

Hindi naman mamukhaan ang dalawang suspek dahil sa suot nilang full-face helmet at itim na long-sleeve jacket.

Sa impormasyon, nabatid na kabilang ang biktima sa mahigit 300 PNP personnel na ipinatawag ni Gamboa noong nakalipas na Enero at itinalaga sa PNP Camp Crame para magpaliwanag kung bakit sila kabilang sa talaan ng high value target (HVT).

Sa ngayon ay patuloy pa rin nagsasagawa ng masusing imbes­tigasyon ang pulisya. (Armida Rico)