Bata ni Yorme abusado sa werpa

Hulaan Blues

Mukhang nangungunang pasaway ang head ng isang department ng isang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Sa sumbong ng ating amuyong nagtayo raw si Sir ng gimikan malapit sa kanyang tahanan.

Nag-umpisa sa kainan, nilagyan ng kaun­ting inuman at ­videoke subalit ngayon ay mayroon na rin daw na ilang chicks na nagsisilbi sa ‘bar’ ni Sir.

Itinuturing tuloy ng ating amuyong ang opisyal bilang BI as in bad influence dahil ang kanyang mga tauhan ay dumidiretso sa kanyang lugar matapos ang kanilang duty.

Wala rin makasita kay Sir kahit gabi na o pasado alas-10:00 na ng gabi ay sige pa rin ang bulabog ng videoke na nanggagaling sa kanyang bar.

Syempre takot lang nila kay Sir dahil kilala itong malapit na malapit sa alkalde ng lungsod na kanyang pinagli­lingkuran.

Ang kanyang departamentong pinamamahalaan ay may kinala­man sa kaayusan sa lungsod subalit numero unong pasaway si Sir.

Ayon sa ating amu­yong, itago natin si Sir bilang si EB as in EBony.