Matinding takot ang naram­daman ng isang bata matapos itong lapain ng isang buwaya sa bayan ng Balabac, Palawan kamakalawa.

Sa report ng Balabac Municipal Police ayon na rin sa paglalahad ni Jonathan Montalba, Wildlife Traffic Monito­ring Officer, nabatid na habang naliligo ang ‘di na pinangalang bata at kapatid nito ay bigla na lamang sinakmal ng buwaya ang biktima na nasugatan sa kaliwang braso, mata, hita at tagiliran.

Masuwerte namang nakaligtas ang biktima nang saklolohan ito ng ama at agad na hinampas ng kahoy ang buwaya.

“Ang sabi po ng tatay nung tinawag siya nung isang kapatid, nung ‘pag dating na niya doon sa ilog, di-nive niya agad sa tubig ‘yung anak niya kasama ‘yung buwaya. Tapos pinalo-palo niya rin lang hanggang sa mawala ‘yung buwaya at nakita niya ‘yung anak niya na ano na nabitawan (ng buwaya),” paglalahad ni PO3 Allan Macasil, ng Balabac Police.

Agad naman isinugod sa rural health unit ng bayan ang biktima na kalaunan ay inihatid sa Brooke’s Point Medicare Hospital.