“Binuhusan ako ng tubig, pinukpok ng tabo sa ulo at sabay na sinakal sa leeg.”
Ito ang litanya habang umiiyak ng isang 12-anyos na batang lalaki na sugatan ang mukha at namamaga ang kaliwang mata nang magtungo sa tanggapan ng Women and Children Protection Desk ng Pasay City Police upang ipagharap ng reklamo ang isang pulis na nanakit sa kanya kahapon.
Bakas pa rin ang matinding takot sa mukha ng biktimang si ‘John’, 12-anyos na grade 5 student ng Maricaban Elementary School na agad na nilapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital.
Base sa salaysay ng mga magulang ng biktima na sina William Vallejo, 40, at Maria Elena Arcenio, 40, na naninirahan sa no. 239 Transmitter area, Bgy. Maricaban ng nasabing lungsod, dakong alas-singko ng hapon sa Saint Catherine St. nang maganap ang insidente.
Ayon kay Ginoong Vallejo, kagagaling lamang sa computer shop ng kanyang anak nang pagdiskitahan ni PO3 Ferdinand Dator nakatalaga sa District Public Safety Battalion ng Southern Police District (SPD).
Sinabi ng ama na nasa labas siya ng kanilang bahay nang makita nito na buhusan ng tubig ang anak nang dumaan si Dator na umano’y lasing na lasing.
Nagalit umano ang bata at kumuha ng bote na akmang gaganti sa pulis subalit sinakal nito si John. Hindi pa ito nakuntento at kumuha ng tabo na may lamang tubig sabay inilublob ang mukha ng bata.
Nagpipiglas ang biktima kinagat nito ang tagiliran ng pulis para makatakbo at makatakas ito. Ngunit sa halip na makatakas ang bata lalo pang nagalit ang pulis na kung saan makailang beses na binuhusan ng tubig at sabay na hinampas ng tabo sa ulo.
Dahil sa lakas ng pagpalo, sugatan ang mukha ng bata at namaga ang ilalim ng kaliwang mata.
“Hindi nga po namin alam kung bakit niya sinaktan ang anak ko wala naman ginagawang masama sa kanya, lasing na lasing po yun pulis,” sabi pa ng tatay na walang nagawa para maipagtanggol ang anak dahil sa takot sa pulis na noo’y nakasukbit ang baril.
Agad naman nagtungo sa Police Community Precinct (PCP) 8 ang mga magulang ni John upang ipaaresto ang nasabing pulis subalit hindi na ito dinatnan sa bahay nito.
Desidido naman ang mga magulang ng biktima na kasuhan at ipakulong ang naturang pulis na nanakit sa kanilang anak.
Kasong child abuse ang isasampa ng mga magulang ng bata sa Pasay City Prosecutor’s Office laban kay Dator.