Batang humihikbi sa CR

LIFESTYLE
Rey T. Sibayan

Mga ka-Misteryo nakarinig na ba kayo ng mga hagikgik, hikbi at panaghoy sa loob ng CR lalo na pagsapit ng gabi. Ganito ang karanasan ni Randy sa CR ng kanyang pinapasukan bilang guwardiya sa Pasay.

Dahil panggabing guwardiya ay kailangan niyang mag-ronda sa ika­lawang palapag ng gusali na kanyang pinapasukan.

Alas-dos nang madaling-araw, biglang sumakit ang tiyan ni Randy kaya’t kailangan niyang pumasok sa CR. May tatlong cubicle ang CR mula sa pintuan at sa gitna siya pumasok. Ilang minuto lang ng kanyang pagkakaupo sa trono ay may narinig siyang nagla­lakad palapit sa cubicle bagaman hindi niya narinig na bumukas ang pintuan ng CR.

Nakiramdam si Randy kung may papasok sa katabing cubicle ngunit wala siyang narinig na nagbukas ng pintuan bagaman biglang lumamig ang kanyang pakiramdam sa pag-ihip hangin. Nangilabot si Randy at kinabahan.
Mabuti na lamang at nairaos niya ang sama ng kanyang tiyan ngunit hindi muna siya makatayo agad at pinapakiramdaman muna ni Randy ang paligid sa loob ng CR.

May bigla siyang narinig na mahinang hikbi ng batang babae sa katabing cubicle sa kaliwa ni Randy. Nag-isip siyang baka nag-CR ang anak ng kasamahan niyang guwardiya dahil nakita n’ya ang mag-ama sa guard office na nag-uusap bago siya nag-ikot.

Nagsalita na si Randy at sabay tanong: “O bakit ano nangyari sayo Dulce at umiiyak ka, napagalitan ka ba ng papa mo? Bakit andito ka sa CR na panlalaki dapat sa kabila ka.”

Naghintay si Randy kung sasagot ang bata sa kabilang cubicle ngunit hagikgik ng bata ang kanyang narinig. Dito na biglang tumayo si Randy at nagmamadaling nagsuot ng kanyang pantalon.

Bagaman nangilabot at medyo kinakabahan si Randy ay nagdesisyon siyang tignan ang kabilang cubicle ng CR.

Buo pa rin ang paniniwala ni Randy na anak ng kasamahan niya ang nasa kabilang cubicle kaya’t kinatok muna niya ang pintuan ng tatlong beses.
Napansin niyang hindi naka-lock ang pinto kaya’t nagtanong muna siya.

“Dulce ok lang ba? Halika baka hinahanap ka na ng papa mo.” Walang sagot ang inakala niyang bata sa loob ng cubicle. Nagdesisyon siyang buksan na ito sabay sabing “Bubuksan ko na ito.” Laking gulat ni Randy at wala si Dulce sa loob ng cubicle.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Randy at nagmamadaling lumabas ng CR, karipas ng takbo patungo sa guard office. Nakita niya ang mag-ama na nag-uusap at lalo siyang nangilabot nang malaman niyang hindi nag-CR ang bata.

Maraming ganitong karanasan ang naririnig natin. ‘Yung iba ay mas matindi pa. Biglang nagsasara ang pintuan ng CR para hindi agad makalabas ang tao.

Ako naman nakakita ng white lady na big­lang tumagos sa salamin ng CR.

Para sa akin, totoo ang ganitong mga karanasan dahil ang mga gumagalang kaluluwa ay hindi matahimik lalo na kapag biktima ng karahasan o trahedya.

Kung may lakas ng loob ang nakaranas nito ay puwedeng kausapin ang multo ngunit kadalasan ay ipinapayo kong alayan ng panalangin ang nagpaparamdam sa lugar. Kung marahas na at may pananakit, mangyaring lumapit sa mga eksperto o sa mga paring exorcist. Laging tandaan “Kapag may Misteryo, alamin ang Totoo.”

Para sa inyong mga kuwentong kakila-kilabot at kababalaghan, mag-email sa misteryophilnet@gmail.com. Paki-like ang FB page Misteryo Pilipinas at bisitahin ang abante.com.ph, archive.tonite.abante.com.ph,. www.reytsibayan.com.