Batang kriminal

Bernard Taguinod

Hindi ko masisisi ang mga mambabatas na pursigidong ipasa ang panukalang ibaba sa 9-anyos ang criminal responsibility sa ating bansa dahil walang takot ang ilang kabataan ngayon na gumawa ng krimen.

Nitong mga nakaraang araw, sunud-sunod ang mga balita ukol sa panggagahasa ng mga batang ­estudyante sa kapwa nilang batang babae, pagnanakaw at pagpatay pa nga.

Sa social media, marami kang makikitang video ng mga batang nagnanakaw na huling-huli sa mga CCTV, umaakyat sa mga bahay ng may bahay para magnakaw at ginagamit pa ng kanilang mga kasamang matanda para makapandukot.

Marami ring mga video na ‘yung mga batang kunwari ay naglalamiyerda lang sa mga kalsada kapag gabi, may mga babae pa nga, ay pumapasok sa bakuran ng may bakuran para nakawin ang mga sinampay.

Meron ding mga batang pumipitas ng salamin ng mga sasakyan ng kanilang dinadaanan at kapag nagpang-abot ang kanilang mga tropa ay nagrarambulan na walang pakialam kung may ibang taong madadamay kapag nagbatuhan.

Hindi pa kasama d’yan ‘yung paggamit ng mga sindikato ng droga sa mga paslit para magdeliber ng droga sa kanilang mga parokyano dahil kapag nahuli sila ay wala naman silang criminal responsibility lalo na kung edad 14 sila pababa.

Sa mga hindi pa nabibiktima ng mga batang krimi­nal, siguro sasabihin nila na huwag nating parusahan ang mga ‘yan dahil hindi pa nila alam ang kanilang ginagawa dahil mga bata pa ‘yan.

Kesyo hindi pa ganap na buo ang kanilang pag-­iisip dahil may pag-aaral na hindi pa fully develop ang utak ng mga batang edad 9-anyos kaya hindi pa nila alam ang kanilang ginagawa.

Pero ‘yung mga nabiktima na ng mga batang kriminal, tiyak na gigil na gigil at hindi papayag na walang kataru­ngang makakamit. ‘Yung magulang ba ng mga batang ginahasa ng mga menor-de edad, papayag bang hindi magkaroon ng hustisya ang nangyari sa kanilang anak? Hindi ah!!

Ang hirap sa kasalukuyang batas, masyadong protektado ang mga bata kaya kapag nagkasala sila ay dadalhin lang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at kapag sinundo na ng kanilang mga pabayang magulang eh wala na, ganu’n na lang.

Hindi ako naniniwala na ang mga batang nakakagawa ng krimen eh hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Alam na nila ‘yan. Tulad ng pagnanakaw, alam nilang masama ang pagnanakaw pero ginagawa pa rin nila dahil sa kagustuhan nilang magkaroon ng sila ng pera.

Alam nilang masama ang mang-rape pero ginagawa pa rin nila at lalong alam nila na masama ang pumatay pero kung makipagrambol eh talagang ­gusto nilang pumatay.

Okey lang sana kung lagyan ng probisyon ang ­batas na kapag nagkasala ang isang bata eh ang maparusahan ay ang kanilang magulang o kaya huwag alisin sa pangangalaga ng DSWD para maireporma at itanim sa kukote nila na masama ang kanilang ­ginawa.  (dpa_btaguinod@yahoo.com)