Batang nambato sa tren hawak ng PNR

Hawak na ng mga nangangasiwa ng Philippine National Railways (PNR) ang isang bata na sinasabing nambabato sa mga tren na nagdaraan sa lugar nila at ito ay kanila pang isinasailalim sa imbestigasyon.

Ayon kay PNR General Manager Junn Magno, hindi nila puwedeng pangalanan ang hawak nilang bata na sinasabing nambabato sa kanilang mga tren dahil ito ay isang menor de edad.

“We cannot disclose as the person of interest is a minor, and our legal and security offices are concluding­ their report. So as it stands we only have a person of interest until the report is concluded,” ani Magno
Una nang kinondena ng mga netizen ang nag-viral na pambabato ng mga kabataan sa umano’y mga bagong tren ng PNR na galing umano sa Indonesia na dumaraan sa Brgy. Canlalay sa Biñan, Laguna.

Pero pinabulaanan ito ni Department of Transportation Assistant Secretary Goddess Hope Oliveros-Libiran at sinabing hindi naman nabato ang mga bagong tren dahil may mga tao namang naglalagay ng debris sa daanan ng tren na dumadale sa undercarriage nito.

Maging ang PNR ay itinanggi rin na hindi ang mga bagong tren na nagmula sa Indonesia ang nasira kundi ang mga lumang tren.

Paliwanag ni PNR OIC spokesperson Crissy Ecalnea, may panukala para gawing isang krimen ang mga katulad na insidenteng makakapinsala sa railway operation subalit hindi pa ito naisasabatas kaya ang tanging magagawa nila ay kasuhan lang ang sinumang may kagagawan ng pambabato.

“Meron naman kami diyang naka-deploy na konduktor. May rail police din diyan. Kung may medical assistance na kailangan and if kailangan dalhin sa pinakamalapit na ospital, ‘yun ‘yung mga immediate response natin. Security ng mananakay ‘yung number one na issue namin diyan. ‘Pag nabato siya, may tendency siya na ‘yung mga bubog o ‘yung glass niya, mag-shatter doon sa mga tao, tamaan ‘yung mga tao. So isa ‘yon sa added layer na ginagawa natin temporarily,” dagdag pa ng tagapagsalita ng PNR. (Dolly Cabreza)