Kinamao nina Chris Banchero at JVee Casio ang nakakangilong atake ng Alaska sa dulo ng third hanggang bukana ng fourth para lunurin ang GlobalPort, 133-106, sa PBA Governors’ Cup sa Ynares Center-Antipolo kagabi.
Tig-7 points ang nilagok ng dalawang combo guard ng Alaska sa 21-4 blitz ng kampo.
Nakabalik pa ang Batang Pier mula 13-point deficit sa second quarter, 40-27, bago nanindak sa 83-82 sa final 2:18 ng third.
Dumistansiya ang Aces, 104-86, midway ng payoff period pa-27-point margin para kumpletuhin ang season-high point-production at makisawsaw sa seventh spot sa 3-4 kahalo ng mga idle Rain or Shine at NLEX.
Nasa usual form niya si LeDontae Henton sa tinimplang 33 points at 13 rebounds, pero ang pagragasa nina Banchero at Casio ang naniguro sa panalo ng Alaska na lumakas ang pakikipagbuno sa isa sa natitirang apat na quarterfinals berth.
May 21 points si Calbin Abueva, 20 si Banchero off the bench, tig-13 si Sonny Thoss at ang galing ding bench na si Casio, at may 10 pa si RJ Jazul.
Sadsad sa pangalawang sunod ang Batang Pier na bumulusok sa3-6 sa 10th.
“What we talked about all week was defense, defense, defense! Sa akin maganda depensa namin,” suma ni Aces coach Alex Compton. “Playoffs na ‘to kailangan namin dumepensa nang maayos.”
Kinambyo naman ni Eugene Phelps ang third 20-20 game niyang 29 points at 26 rebounds at kinubabawan ng Phoenix ang Blackwater, 93-81, sa unang laro. Out na ang Elite (1-8) samantalang gumitgit sa No. 5 ang Fuel Masters sa 5-4.
Umayuda ng 15 points si Mark Borboran, 12 si Simon Enciso at 10 si Cyrus Baguio sa Phoenix.
May 14 markers lang sa kanyang debut game sa Blackwater si Keala King na pumalit kay injured Eric Dawson.