Batang yagit noon, atleta na ngayon

Isa lang dating batang kalye, kargador ng tubig, ang nagwagi ng dalawang medalyang pilak at isang tanso sa katatapos na 2019 Asian Youth & Junior Weightlifting Championships sa Pyongyang, North Korea.

Siya ay si Chariz Macawili, 17, na nag-silver clean & jerk at total lift habang naka-bronze sa snatch women’s youth 40kgs. category.

Produkto ng PEP Project Weightlifting ni dating national hoister Richard pep Agosto, una siyang nagwagi ng tatlong medalya sa 2nd Indonesia International Weightlifting Championships for Youth & Juniors dalawang buwan na ang nakalilipas.

Bumuhat si Macawili sa snatch sa 1st attempt ng 50kgs., 52kgs. sa 2nd at 53kgs. sa 3rd habang sa clean and jerk ay 63kgs. sa una, 65kgs. sa ikalawa at 66kgs. sa ikatlo para sa 116kgs.

“Isa siya sa mga kabataan na nakita namin na nangangalakal at nagakargador ng tubig para kumita sa lugar namin. Isinama namin sa Project dahil malakas ang katawan at walang bisyo. Gusto naming maging ehemplosiya at makatulong sa bansa natin,” komento ni coach Agosto. (Lito Oredo)