Dinakip ng mga awtoridad ang isang kandidato sa pagka-alkalde sa bayan ng San Nicolas, Batangas matapos makumpirma na kasama nito ang top 2 most wanted person sa Calabarzon.
Ayon kay Chief Supt. Edward Carranza, regional director ng Region IV-A, nasa kostudiya na ng pulisya ang kumakandidatong si Lester De Sagun, 40, dahil sa paglabag sa PD 1829 o harboring a criminal.
Inaresto si De Sagun dakong alas-10:30 nang gabi sa Brgy. Bagong Sikat, Lemery, habang sakay ng isang pick-up na may plakang DNV-778, makaraang makumpirma na kasama nito bilang bodyguard si Miko Michael Caguitla, 26, na nahaharap sa kasong murder.
Bukod kay Caguitla, naaresto rin kasama ng kandidato sina Vicente Andal, 53, at Exequiel Caringal Jr., 59, na nakunan ng .45 at Uzi 9mm pistol.
Kakasuhan sina Andal at Caringal ng paglabag sa Omnibus Election Code at illegal possession of firearm.