Batangas nagpasaklolo sa nasisimot na calamity fund

Nagpapasaklolo na sa Malacañang at sa Kongreso ang mga local go­vernment unit sa Batangas dahil sa nasisimot na nilang calamity fund dahil sa epekto ng pagputok ng Bulkang Taal.

Sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) undersecretary Epimaco Densing na paubos na ang calamity fund dahil sa mahigit isang linggo ng pag-alalay sa libo-libong evacuee.

Dahil aniya sa pagsa­bog ng bulkan ay hindi pa nasisingil ng mga apektadong munisipyo ang mga amil­yar at business permit ng mamamayan.

“‘Yung calamity fund nawawala na. Nabanggit sa akin ng isang ma­yor sa Batangas na zero na raw siya so ang aking instruction is to get fun­ding baka mayroon pang mai-allot ang province,” ani Densing.

Nag-commit aniya si House Speaker Alan Peter Cayetano na makipagpulong sa DILG para pag-usapan ang tulong na maaaring ibigay ng kamara para sa mga naapektuhan nang pagsabog ng bulkan.

“Hopefully we can get addition funding from Congress or sa pondo po sa Office of the President,” dagdag pa ni Densing. (Aileen Taliping)