Batas kontra terorismo maaabuso – Pangilinan

Malaki umano ang tiyansa na maabuso ang ilang mga probisyon sa pinalakas na Anti-Terrorist Act na nauna nang inaprubahan sa Senado, ayon kay Senador Francis Pangi­linan.

Sa botong 19-2, inaprubahan ng Senado noong Miyerkoles ang ­Senate Bill 1083 o Anti-Terrorism Act na papalit sa Human Security of 2007. Ang mga hindi pumabor sa naturang panukala ay sina Pangilinan at Senadora Risa Hontiveros.

“Siguro dapat iliwanag natin. ­Lahat tayo dapat labanan ang tero­rismo. ‘Yong extremism ‘ika nga, ma­laking problema na ito at nakita natin ang problema sa Marawi at sa ibang parte ng mundo, talagang ma­tindi ang terorismo,” sabi ni Pangi­linan sa panayam ng dzRH.

“Pero kami po ay naniniwala na kapag may malaking problemang ganito, hindi naman dapat maging extreme din ‘yung solusyon, ‘ika nga. At nakikita natin na malaki ang tsansa na magkaroon ng pang-aabuso dito sa mga ilang mga probisyon ng ating terrorism law,” dagdag pa nito.

Si Senador Panfilo Lacson ang may-akda ng Senate Bill No. 1083 na aniya’y magbibigay ng mas matibay ng ngipin sa batas kontra ­terorismo.

Ilan sa mga kriktikal na probisyon ay ang 14-day detention na walang warrant of arrest sa mga mapag­hihinalaang sangkot sa terorismo.

“Yes at walang court order iyon. ‘Pag ikaw ay suspected pa lamang at may written authority ng anti-terrorism council, you can be detained for 14 days and you can extend the detention for another 10 days,” ani Pangilinan.

Maaari rin aniyang maabuso ang Bill of Rights na nakasaad sa ­Saligang Batas. (Dindo Matining)