Aprub kay dating Special Assistant to the President (SAP) at senatorial candidate Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang bagong batas na makakatulong sa mga may problemang pangkalusugan o kapansanan na nagiging hadlang upang normal nilang magampanan ang kanilang mga trabaho.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte at isabatas ang “An Act Regulating the Registration, Licensure, and Practice of Occupational Therapy, Providing Funds Therefor and for Other Related Purposes” o mas kilalang “The Philippine Occupational Therapy Law of 2018.”
“Magandang balita po ito sa marami nating kababayan na may dinaranas na problema sa kalusugan o may kapansanan at nahihirapang gawin kahit na ang mga simpleng gawain ng isang malusog na tao,” ani Go.
“Isa na naman itong malinaw na patunay ng pagpapahalaga ni Pangulong Duterte sa mga isyung kaugnay sa kalusugan ng bawat Pilipino. Maraming salamat po, Pangulong Duterte. Ito po ang gusto kong isabatas para tuloy-tuloy ang programa kahit hindi na Pangulo si Pangulong Duterte,” ayon pa sa senatoriable.