Batas sa free tuition “mission accomplished”

“Mission accomplished” para kay Sen. Bam Aquino ang tulu­yan nang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging isang ganap na batas ang Universal Access to Tertiary Education Act.

Ayon pa kay Aquino na principal sponsor at co-author ng batas sa Senado, matapos ang ilang dekada, naging isang batas na ang inaasam-asam ng napakaraming pamil­yang Pilipino na libreng kolehiyo kung kaya’t mil­yun-milyong Pilipino ang panalo sa napakala­king repormang ito sa edukasyon.

“I wish to thank the President for signing the free college tuition into law. Congratulation to my fellow lawmakers and everyone who supported this policy,” ayon kay Aquino kasabay ng pagsasabing,

“Estudyante, magulang at pamilyang Pilipino ang tunay na bida ng batas na ito.”

Tiniyak pa ng senador, hahanap ang Senado ng kailangang P25 bil­yong pondo para maipa-tupad ang batas.

Nangako na umano si Sen. Loren Legarda, chairperson ng Committee on Finance, na isasama ang kailangang pondo para sa libreng tuition sa 2018 budget.

Sa naturang batas, mabibigyan ang mga estudyante ng libreng edukasyon sa state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at vocational schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) si­mula sa ikalawang semester ng school year 2017-18.

Maliban sa tuition, sagot na rin ng pamahalaan ang miscellaneous at iba pang bayarin.

Mabibigyan din ng scholarship grants ang mga estudyante ng pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad. Isa pang benepisyo ng panu­kala ay ang loan program, kung saan maaa­ring mangutang ang mga estudyante para sa ibang gastusin sa pag-aaral.