Matapos imbestigahan ang serye ng mga vehicular accident na kinasasangkutan ng mga driver na lasing o `di kaya’y gumamit ng iligal na droga, nadiskubre ng isang komite ng Senado na hindi epektibo ang pagpapatupad ng Republic Act No. 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.
Dahil dito, inirekomenda ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald `Bato’ dela Rosa, na magsagawa ng imbestigasyon para sa posibleng administrative action laban sa mga awtoridad na bigong ipatupad ang nasabing batas.
Ang resulta ng imbestigasyon ng Senate panel ay nakasaad sa Committee Report No. 99 na iprinisinta ni Dela Rosa noong Miyerkoles.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ng senador na kung naipatutupad lang ng maayos ang RA 10586, maiiwasan sana ang maraming aksidente sa mga kalsada.
“It is very disturbing that almost on a daily basis, there are still reports of vehicular mishaps that claim lives and inflict critical injuries to bystanders and passengers damaging several other vehicles and properties along the site of the accidents,” sabi ni Dela Rosa.
Nabigo rin umano ang mga law enforcement office na ipatupad ang mga pro-active measure para matiyak ang epektibong pagpapatupad ng ng nasabing batas. (Dindo Matining)