Ikinamada ng isang kongresista ang panukalang batas para pormal na maideklara sina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Apolinario Mabini at iba pa bilang pambansang bayani ng Pilipinas.

Ayon kay 1-Ang Edukasyon Party-list Rep. Salvador Belaro, sa pamamagitan ng National Heroes Law ay mapupunuan ang pagbibigay ng direktang kahalagahan sa kasalukuyan ng mga aral ni Rizal at iba pang mga bayani.

Dapat aniyang itampok ang mga aral na ito sa mga eskuwelahan.

“Halimbawa, para sa mga engineering at architecture students, dapat ituro sa kanila ang mga engineering works at urban planning na naisakatuparan ni Rizal noong na-exile ang bayani sa Dapitan. Dapat ituro kung paanong ang diskarteng iyon ni Rizal ay maiaaplay sa kasalukuyang panahon. Iyan ang aspeto ng buhay ni Rizal na relevant sa kanila,” paliwanag ni Belaro.

“Ang pag-aaral ng buhay, mga akda, at turo ni Rizal ay hindi dapat mauwi lang sa pagme-memorize ng mga pira-pirasong tri­via,” ayon pa kay Belaro.

Marami aniyang importanteng leksyon na matututunan ang mga Pilipino sa detalyadong pag-aaral sa naging buhay at sakripisyong ipinamalas ng mga ba­yani.

Binanggit ng kongresista na batay sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ay wala pang batas, executive order o proclamation na nagdedeklara sa sinumang Filipino historical ­figure bilang pambansang bayani. (Aries Cano)