Batas sa student fare discount kinatok

Kinatok ni Senador Sonny Angara ang House of Representatives upang madaliin ang pagsasabatas ng pinagtibay nilang bersyon hinggil sa panukalang student fare discount bill.

Ayon kay Angara, malaki ang maitutulong ng panukala sa libo-libong estudyante sa bansa kaya inaasahan nitong maisabatas ang tinatakan niyang priority measure ngayong 2019 bago ang adjournment ng 17th Congress.

“Sana ‘yung student discount bill maipasa dahil nasa House of Representatives pa siya. Malaking tulong ito sa ating mga estudyante,” sabi ni Angara.

Sa ngayon, isinalin na ng house committee on transportation sa substitute bill ang pinagtibay na House Bill 7269, na siyang counterpart measure ng Se­nate Bill 1597 na parehong may layong palawigin sa 20% ang discount ng bawat estudyante sa land, air at sea transport fares. (Anne Lorraine Gamo)