Ilang sandaling nawalan ng malay pero kalaunan ay idineklarang patay ang driver ng isang congressman na natulog sa nakaparang Mercedez­ Benz sa parking lot sa ­Batasan Complex sa ­Quezon City kagabi.

Nauna rito ay pinagkaguluhan ng medical team ng Kamara ang drive­r ni Samar Rep. Edgar Sarmiento nang hindi magi­sing sa loob ng kotse sa Batasan Complex kagabi.

Kinilala ang driver na si Robert dela Cruz, 40-anyos, at pitong taon ng driver ng kongresista.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Sarmiento, ala-una nang hapon nang ibaba siya ng kanyang driver sa South Wing Annex (SWA) building kung saan duma­l­­o ito sa mga pagdinig sa budget ng iba’t ibang ­department ng gobyerno sa nasabing ahensya.

“I sense something wrong dahil hindi sumasagot sa tawag ko. Dati naman isang tawag ko lang sumasagot agad kaya ipi­nahanap ko na sa staff ko,” ani Sarmiento matapos hindi sumasagot si Del­a Cruz nang tinatawagan ito matapos mag-adjourn ang kanilang session dakong alas-6:30 ng gabi.

Natagpuan ang kots­e ni Sarmiento na isang Mercedez Benz na may plakang WHZ-927 na nakaparada sa harap ng SWA building bago mag-alas-siyete kung saan bukas ang makina at aircon.

Nang silipin, natagpuan si Dela Cruz na natu­tulog sa driver’s seat at kahit anong gising ay hindi ito tumutugon kaya napilitang basagin ang bintana ng sasakyan para mailabas ito.

Ilang minutong tinangkang i-revive si Dela Cruz ng mga medical staff ng Kamara subalit hindi ito nagigising kaya itinakbo na ito sa pagamutan.

“I hope he will survive,” ayon sa lulugu-­lugong si Sarmiento kung saan idinagdag nito na “sinasabi ko na noon na huwag matulog sa loob ng kotse na bukas ang makina at aircon”.

Hindi masabi ng kongresista kung ilang oras na nasa loob ng kotse si ­Dela Cruz subalit kapansin-­pansin na nakatutok sa lupa ang tambutso ng kotse dahil isinagad ang pagpaparada rito.

Napag-alaman na pasa­do alas-siyete kagabi ay idineklarang patay sa East Avenue Medical Center ang driver nang mabigong i-revive ng mga manggagamot.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya kung ano ang tunay na sanhi ng kamatayan ng biktima.