Dear Sir:
Ano nga ba ang batayan ng pagiging isang bayani? Kailangan bang maging kilala ka muna bago ka maituring na bayani?
Sana ‘wag natin ibaon sa limot ang mga taong hindi man kilala sa pangalan ngunit malaki ang nagampanan sa ating lipunan. ‘Yung mga taong higit pa sa sarili nila ang pagmamahal sa Pilipinas kaysa sa sarili nilang kadugo at kalaman. Iba’t ibang propesyon, iba’t ibang ambag sa lipunan, iba’t ibang paraan at larangan ng pagbibigay ng dangal at pagkilala sa ating bansa. Ngunit natatanging propesyon ang pagbubuwis ng buhay at suungin ang kapahamakan para panatilihing ligtas ang mas marami pang buhay. ‘Yung tipong handang sumugal at makipaglaro kay kamatayan itataya ang buhay n’ya para mas masagip ang mas nakararami pa. Marami ng nagsakripisyo at nagbigay ng buhay na hindi kilala ni Juan. Ngunit sana hindi maibaon sa limot ng ating mga kababayan ang utang na loob sa mga taong iniiwan ang sariling pamilya para sa kapakanan ng mga taong hindi naman nila kaanu-ano at kakilala. Sila ang mga sundalong nakikilala lang tuwing may giyera. Saludo ang mamamayang Pilipino sa tapang at pagmamahal na ibinahagi at patuloy na ibinabahagi ninyo.
Mark Talledo
Cebu
***
Dear Editor:
Nais ko lang po ilahad ang aking saloobin sa napabalitang pagpatay ng pulis sa isang sundalo sa Zamboanga del Sur. Si PFC Rodilo Bartolome na nakadestino sa Marawi ay papauwi sana sa kanyang pamilya sa nasabing lugar nang barilin siya ng pulis dahil sa maling akala. Akala ng mga pulis na bubunot daw ng baril ang sundalo sa bag kaya inunahan na nila. Isang dahilan na hindi katanggap-tanggap. Kapag balbas sarado at mahaba ang buhok masamang tao na agad? Kalaban na agad? Rebelde o terorista na agad? Hindi ba nila inisip na kaya ganoon ang hitsura ng sundalo dahil ilang buwan na siyang nasa labanan. Hinusgahan na agad nila na walang matibay na basehan at pagpatay agad ang sagot nila dito.
Hindi po ako bihasa sa batas pero sa nakikita ko ang daming lapses ng pulis dito. Maling-mali ang kanilang pamamaraan. Sa pagkakaalam ko ay dapat naka-proper uniform ang mga pulis kapag reresponde lalo na kung on-duty siya. Eh bakit naka-civilian attire ang mga ito? At kung nagduda man sila sa tao hindi ba ang tamang pamamaraan dito ay kunin nila ang bag o hayaan nila na buksan ito ng may-ari sa harap nila. Ang alam ko tinuturo ito sa training nila pero parang nakakalimutan at wala na ito sa isip nila. Ganito na ba sila ngayon kapag nagduda babarilin ka na agad? Ang masakit dito ay sundalo pa ang pinatay nila. Huwag nila sana gawing lusot na nanlaban ang sundalo kaya inunahan nila dahil 12 tama ng baril ang tinamo ng biktima at sa ulo at dibdib ang mga tama. Hindi na self-defense ang tawag doon.
Hindi ko man personal na kilala si PFC Bartolome o ang kanyang pamilya pero ganoon na lang ang galit at paghihinagpis na nararamdaman ko ngayon dahil hindi makatarungan ang pagpatay sa kanya. Siya na bayani at nakipaglaban hindi lang sa Marawi ay namatay na walang kabuluhan at sa maling akala. Pinatay siya ng kapwa niya rin tagapagtanggol ng bayan.
Tatanungin ko ngayon ang mga pulis na ito, kaya niyo pa ba ibalik ang buhay na kinitil niyo? Kaya niyo ba punan ang pagiging asawa, ama at anak sa kanyang naulilang pamilya? Ang pananabik ni PFC Bartolome na makapiling ang kanyang pamilya ay naging panaginip na lang. Inalisan niyo kami ng mabuting tao at ng isang bayani. Hindi nga siya napatay ng Maute pero namatay siya sa kamay ng kabaro niya. Kung ganito naman pala katapang, kabilis at kagaling ang pulis na ito p’wede siyang sumama sa mga sundalo at labanan ang Maute. Baka malaki ang maitulong niya doon.
Pakatandaan sana ng pulis na hindi pagiging matapang at hindi kabayanihan ang ginawa nilang ito kay PFC Bartolome. Hustisya ang sigaw namin at dapat mabigyan ng katarungan ang walang habas na pagpatay sa isang bayani ng bayan.
Milagros E. Esquijo
Sultan Kudarat