Direktang pambabastos diumano sa kababaihan ang ginawang biro ni dating Philippine National Police (PNP) Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, sa unang araw ng kampanya ng mga administration senatorial candidate sa Pampanga noong Martes.
“Ginagawa lang katatawanan ang pagkababae at pagkatao nila (kababaihan) sa pamamagitan ng masasakit na biro,” sabi ni Otso Diretso senatorial candidate Atty. Chel Diokno.
Base sa mga ulat, sa talumpati ni Bato sa harap ng mga Kapampangan, ay sinabi nito na ang paghalik umano sa babaeng Kapampangan ang pinakamabilis na paraan para matutunan ang kanilang wika.
Ayon kay Diokno, iresponsable ito at sa paulit-ulit na salita at asta ng dating heneral ay magdadagdag lang ito ng problema sa normal na gawi ng pambabastos sa kababaihan.
Aniya, dapat tandaan na lahat ng karahasan laban sa kababaihan ay pinagmumulan ng kawalan ng paggalang kahit biro man o hindi.
“Hindi pagbibiro ang pambabastos ang kailangan ng mga kababayan natin. Ang hinahanap nila ang maayos na pamamahala, mas malagong ekonomiya at mas patas na makatarungang bansa,” ani Diokno.