Bato bukas sa ikalawang term extension, limang opisyal ng PNP nakaabang

ronald-bato-dela-rosa

Pinangalanan na ni Philippine National Police PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang limang police official na maaaring pumalit sa kanyang puwesto kapag hindi na pinalawig ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang kanyang termino na magtatapos sa Abril.

Kinilala ang mga posibleng papalit lay Dela Rosa na sina Deputy Director Ramon Apolinario, Deputy Director Archie Gamboa, De­puty chief for Operations, Deputy Director General Fernando Mendez, director for operations Director Camilo Cascolan at Natio­nal Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Director Oscar Albayalde.

Ayon kay Dela Rosa, may kakayahan ang mga naturang pulis na maging susunod na PNP chief.

Pero sinabi ni Dela Rosa na sa kasalukuyan ay wala pa siyang nairerekomenda kay Pangulong Duterte dahil tinitiyak pa niyang hindi papalpak ang kanyang ire­rekomenda.

Madalas mapaulat na si Apolinario ang matunog na susunod na PNP chief kaya naman maging ang kapatid nitong si Southern Police District (SPD) Chief Director Tomas Apolinario ay maingat sa kanyang paggalaw sa takot na ma­bulilyaso na maluklok ang kanyang kapatid.

Sa interview naman ng mga mamamahayag nang dumalo ito sa Philippine Military Academy (PMA) homecoming sa Baguio City noong Sabado, sinabi ni Dela Rosa na  hindi niya tatanggihan ang Pangulo sakaling hingin nito na palawigin pa ang kanyang termino sa PNP.

“Kung kinakailangan pa niya ako, nandiyan lang ako. Hindi ko puwedeng sabihin na ayoko na. Trabaho pa rin ako kung may ibibigay pa sa aking trabaho,” diin ni Dela Rosa.

Noong Enero 21 pa sana natapos ang kanyang termino sa PNP nang u­mabot ito sa retirement age na 56 pero pinalawig ng tatlong buwan ang kanyang termino dahil may ipapatapos umanong ‘secret mission’ si Pangulong Duterte kay Dela Rosa.

Pebrero na pero hindi pa makita ang resulta ng secret mission kaya may posibilidad na palawigin muli ang termino ni Dela Rosa.