“God is watching us. Merong maniningil.”
Ito ang paalala ni PNP (Philippine National Police) chief Director General Ronald dela Rosa sa kanyang mga pulis kasabay ng babala na tigilan ang pagsasagawa ng planting evidence o pagtatanim ng ebidensya sa mga drug suspects sa kanilang operasyon.
Sinabi ni Dela Rosa na wala mang ibang nakakakita, ang Diyos ang mismong makakakita sa kanilang ginagawa at darating ang oras na pagbabayaran din ang mga maling gawa.
“Iwasan n’yo na ‘yung style na taniman ng droga ‘yung suspek dahil gusto n’yo kaagad na ma-eliminate sa scheme ng drug business,” wika ni Dela Rosa sa kanyang talumpati sa 116th Police Service Anniversary sa Central Visayas.
“Dahil kayo ay pagod na, alam n’yo ‘yang taong iyan ay labas-masok sa kulungan, sige lang huli tapos ngayon gusto n’yong mahuli, wala kayong makuha kaya taniman ninyo.
Huwag n’yong gawin ‘yan. That is very bad. God is watching us. Merong maniningil,” dagdag pa ng PNP chief.
Pinaalalahanan ng PNP chief ang kanyang mga pulis na ang pinakamainam ay ang isapuso ang kanilang pagseserbisyo bilang alagad ng batas na tagapagtanggol ng mamamayan.
“Mas maganda ‘yung kinasing-kasing na trabaho at pagserbisyo,” dagdag pa ni Dela Rosa.
Ang pamunuan ng PNP ay nalalagay ngayon sa kontrobersya kaugnay sa pagkamatay ng 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos, sa operasyon ng Caloocan City Police noong Linggo.