Bato takot mapahiya sa Amerika

Nangangapa si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa status ng kanyang United States visa kung kaya’t hindi ito makapunta sa Amerika dahil sa takot na baka hindi siya papasukin sa nasabing bansa.

Ito ang sinabi ng senador sa panayam sa kanya ng CNN Philippines nitong Sabado matapos lumabas ang balitang ito siya ang kauna-unahang opis­yal ng Pilipinas na pinatawan umano ng sanction ng Amerika dahil sa paglabag sa human rights.

Sa iskup na balitang lumabas sa Abante Tonite nitong Sabado, nabatid na kinansela umano ng Amerika ang visa ng senador epektibo noong Mayo 2019.
Batay sa impormasyong nakarating sa pahayagang ito, ang pagkansela sa visa ni Dela Rosa ay bahagi umano ng kapapasa pa lang na Asia Reassu­rance Initiative Act o ARIA Law ng US na nagbibigay ng $1.5 billion security assistance kada taon sa kanilang mga kaalyado sa Indo-Pacific region para isulong ang kahalagahan ng demokrasya, karapatang pantao at rule of law.

Bukod sa security assistance, nagpapataw din ang ARIA Law ng sanction sa mga lumalabag sa karapatang pantao.

Nauna nang kinunan ng Abante Tonite ng reaksyon si Dela Rosa hinggil sa ulat na kinansela ang kanyang US visa at sinabi nitong wala pang official communication sa kanya ang mga US authority.

Sa panayam sa kanya ng nabanggit na TV network nitong Sabado, sinabi ng senador na hindi pa siya pumupunta sa Amerika dahil sa pangamba na baka ma-deny ang kanyang entry.

Ito aniya ang dahilan kung bakit hindi niya napanood ang laban ng kasamahang si Senador Manny Pacquiao kay Keith Thurman Jr. sa Las Vegas, Nevada.

“Hindi ko na lang triny manood ng last Pacman fight kasi baka hindi nga ako papasukin at mapahiya lang ako. May tsismis akong narinig noon pa prior to the fight,” ani Dela Rosa.

Pabiro pa nitong sinabi na para makumpirma siguro aniya ang nasabing ulat ay kailangang pumunta siya ng Amerika upang malaman kung hindi siya papayagang makapasok sa US.

Si Dela Rosa ang namumuno sa Philippine National Police (PNP) nang simulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang giyera kontra droga noong 2016.
Samantala, binatikos naman ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang naturang hakbang ng US.

US ‘di n’yo kami colony — Sotto
“Ang tingin ko ang mga pumapapel diyan either misinformed sila o ‘di nila (alam) kalagayan ng Pi­lipinas na ‘di na nila colony. Anong pakialam nila sa atin, anong pakialam n’yo sa judicial system namin, may judicial system kami eh, alamin muna nila ang kaso,” ani Sotto.
Banta pa ni Sotto na puwede rin siyang maghain ng isang resolusyon laban sa abortion sa Amerika na iligal sa Pilipinas at ipakulong lahat ng abortionist sa US.

“Kung mag-file ako reso, sasabihin kamo na ang US dapat ikulong lahat ng abortionist, ano magagalit sila? Sasabihin nila pakialam ko? Eh kasi sa amin (Pilipinas) illegal ang abortion. Anong sasabihin nila sa akin, pakialamero. Ganu’n din, anong paki­alam nila sa atin. The point is wala kayong powe­r over us, we are a sovereign nation, we have our own laws, we have judicial processes,” ani Sotto.

Dagdag pa ni Sotto na hindi naman alam ng Amerika kung ilan ba talaga namatay sa giyera kontra droga.

“Naniniwala sila agad sa kuwentong kutsero. Bigay n’yo sa akin listahan ng mga pangalan ng napatay susuportahan ko kayo. Pagbibintangan nila si Bato, ang ibang kamatayan na nangyayari nu’ng umpisa ng campaign, sila-sila nagpatayan, lalo na street pusher dahil baka isigaw sila ng nag-surrender,” sabi pa ng senador.