Bato umaray sa pag-ban ng bibliya at rosaryo sa Oplan Tokhang

ronald-dela-rosa

Muntik na namang mapaiyak sa sama ng loob si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, sa komento ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi naaayon ang pagdadala ng mga pulis ng Bibliya at rosaryo habang ipinatutupad ang Oplan Tokhang.

“Nakakasama talaga ng loob. Frankly speaking, sumama ang loob ko sa kanilang comment na ‘yan. Theatrics, the worst comment na narinig ko mula sa mga religious sector. I tell them napakasama na comment na ‘yun,” litanya ni Dela Rosa sa isang press conference.

Una nang inihayag ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, CBCP vice president, na kailangan pa ng PNP na kumilos pa para maresolba ang mga kaso ng extrajudicial killings (EJKs).

“They need not exaggerate it. We’re just asking them to abide by our laws,” base sa pahayag ni David.

Maging si Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng bishops Committee on Public Affairs, nanawagan sa PNP na mag-focus sa isyu na nakatuon sa publiko.

“Bringing those religious items during police operations is good only for theatrics. They are not essentially necessary,” ayon kay Secillano.

Sa mga pahayag na ito ng CBCP, mariin itong kinondena ni Dela Rosa na nagsabing nais lamang na siraan ang PNP.

 “Hindi porke kayo ang mga obispo, pari kayo na may karapatang maghawak ng Bibliya at magsuot ng rosaryo? Kaming mga ordinaryong Katoliko, porke pulis lang kami hindi kami karapat-dapat. Wow! Kayo lang ang banal porke kayo ang mga pari, kami mga makasalanan na, hindi kami karapat-dapat maghawak ng bibliya at magsuot ng rosaryo?” himutok ng chief PNP.

Ang mga komento ng CBCP ay lumitaw matapos na makitaan na may mga dalang Bibliya at rosaryo ang mga pulis ng Eastern Police District (EPD) dahil malaki ang paniniwala at pag-asam na mas mahihikayat ang publiko na makipagtulungan para masugpo ang iligal na droga sa bansa.