Batocabe itinumba dahil liyamado — Ako Bicol

Ni Aries Cano

Pinaniniwalaang may kinalaman sa mayoralty race sa Daraga, Albay ang pamamaslang kay Ako Bicol Party-list Rodel Batocabe na tatakbo sanang alkalde sa kanilang ba­yan sa 2019.

Inihayag ito ni House Minority Leader Danilo Suarez batay na rin umano sa impormasyong ibinahagi sa kanya ni House Deputy Minority Leader at Ako Bicol Rep. Alfredo ‘Pido’ Garbin Jr. bago pa man pinatay si Batocabe.

“According to Congressman Pido, Congressman Batocabe was leading the survey, so you’re a political threat to the career of the mayor. Kung hindi ka nya matatalo, baka, I mean, you know, that’s why there’s such a thing as motive. Sino’ng makikinabang kung mamatay si Congressman Batocabe?” ani Suarez.

Samantala, mariin namang itinanggi ni Daraga Mayor Carlwyn Baldo na may kinalaman siya sa krimen at nanawagan sa publiko na hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.

Hindi aniya dapat mabiktima ng ‘injustice’ ang mga inosente sa krimen sa paghahanap ng katarungan sa pagkamatay ni Batocabe.

Una nang inihayag ni PNP Director General Oscar Albayalde sa case conference noong Miyerkoles na wala pang ‘substantial evidence’ na mag-uugnay sa makakalaban ni Batocabe sa mayoralty race.