Batocabe slay witness ₱6M lang nakubra

Paiimbestigahan ng Malacañang ang ulat na pang-iipit umano sa P35 milyong reward money na dapat matanggap ng mga testigo sa pagpaslang kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Ito’y makaraang makarating sa Malacañang ang sumbong ng isang testigo na P6 milyon lamang ang kanyang natanggap mula sa P35 milyong pabuya na inilaan para sa ikadara­kip ng mga pumatay kay Batocabe.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kailangang maimbestigahan ito para mabatid kung may iregularidad sa pagbibigay ng reward money.

“‘Pag may official complaint ‘di imbestigahan natin,” ayon kay President
Una nang naghain ng resolusyon sa Kamara para imbestigahan ang hindi pagbibigay umano ng buong reward money sa impormante na nakapagturo sa mga suspek sa pagpaslang kay Batocabe.

Sa ekskulisibong panayam ng UNTV, ibinunyag ng isang testigo sa Batocabe slay na si Emmanuel Judavar, na P6 mil­yon lang ang ibinigay sa kanya ng Philippine National Police (PNP) mula sa P35 milyon na ipinangakong reward mo­ney para sa mga testigo sa pagpaslang sa dating mambabatas.

Nabatid na hindi pa buo na binigay kay Judavar ang P6 milyon. Luma­labas na una siyang binig­yan ng P4 milyon noong Enero 19, 2019 at ang P2 milyon ay binigay sa kanya noong Enero 26 ni Police Lt. Col. Narciso Langcauon ng Intelligence Office.

“Wala pong proseso, nag-picture-picture lang kami sa cellphone, kasi ang gusto ko po ay may media para malaman ng tao kung magkano talaga ang napupunta sa akin,” paglalahad ni Judavar.

Sinabihan umano siya ng PNP na binigyan din ng tig-P1 milyon ang mga suspek sa Batocabe slay na sina Danilo Muella, Christopher Naval, Jerwin Babor, at Emmanuel Rosselo dahil sa impormasyong ibinigay umano ng mga ito sa mga awtoridad.

Pero sa mga nabanggit ay tanging si Muella umano ang umamin na nakatanggap ng reward money.

Sinabihan din umano siya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may da­lawa pa silang testigo bukod sa kanya (Judavar) na tatanggap ng pabuya. Gayunman, iginiit ni Judavar na lahat ng impormasyong natanggap ng PNP na humantong sa pagkakaaresto sa mga suspek sa Batocabe slay ay nanggaling sa kanya.

“Kaya sabi ko nga, ‘Ila­bas ninyo ‘yan, Sir, kung sino ‘yung witness ninyo,” ani Judavar.

Dahil dito, nanga­ngamba si Judavar sa kanyang kaligtasan hindi lamang mula sa mga nasa likod ng pagpatay kay Batocabe kundi maging sa mga opisyal ng pulisya na nakinabang umano sa reward money.

Nabatid pa na sumulat na rin siya kay PNP Director General Oscar Albayalde hinggil dito pero hindi pa umano tumutugon sa kanya ang opis­yal at ang CIDG legal officer na si Atty. Joseph Orsos lang ang sumulat sa kanya na nagsabing hindi lang siya ang makakatanggap ng reward mo­ney. (Aileen Taliping/Edwin Balasa)