Batocabe tinanggalan ng police escort bago inambus

Nananawagan ang Ako Bicol Party-list group sa kinauukulan na aksyunan ang paglipol sa mga armadong goon ng magkatunggaling politiko sa Daraga, Albay.

Kinalampag ng grupo ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na agarang disarmahan ang mga armadong grupo na nakapaligid sa mga politiko.

Sa inilabas din na pahayag ay umaapela ang Ako Bicol Party-list na kagyat na alisin sa puwesto si Police Supt. Charlotte Dodson Peñalosa, Chief Regional Police and Security Protection Unit 5 (RPSPU5) / Police Security and Protection Group (PSPG) bunsod ng diumano’y ‘incompetence’ at ‘negligence.’

Ayon sa mga source na malapit sa napatay na si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe, tinanggal diumano ni P/Supt. Peñalosa ang police escort nito ilang araw bago nangyari ang malagim na pag-atake. (Aries Cano)