Batocabe tinumba ng military, police asset – NPA Bicol

Mariing itinanggi ng New People’s Army (NPA) na nakabase sa Bicol Region na may kinalaman ang mga rebeldeng komunista sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe kung saan nasawi rin ang police escort nitong si SPO2 Orland Diaz.

Sa inilabas na pahayag ni Ka Ma Roja Banua, tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF)-Bicol, sinabi nito na ang umamin sa pagpatay kay Batocabe na si Henry Yuson ay isang aktibong miyembro ng CAFGU sa ilalim ng 22nd Infantry Battalion Bravo Company na nakabase sa Brgy. Bonga, Ligao, Albay.

Aktibo rin umano si Yuson sa mga pagkilos laban sa mamamayan at sa mga rebeldeng komunista.

Giit pa ni Banua na hindi na nakakapagtaka kung sumuko si Yuson diumano sa headquarters ng military sa Sorsogon dahil ito ang nakakasaklaw na command ng militar sa lalawigan ng Albay.

“Si Yuson at tatlo pa nitong mga kasamahan na sina Rolando Arimado, Emmanuel Rosello at Jaywin Babor na diumano’y pumatay kay Rep. Batocabe at escort nitong si SPO2 Orlando Diaz ay mga ahente ng military at sumusunod sa daloy ng atas, na brutal na iniinstitusyunalisa ng AFP at PNP,” ayon pa sa pahayag ni Banua.

Samantala, inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kanila nang hiniling sa Office of the Ombudsman na patawan ng preventive suspension si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo kasunod ng pagsasampa ng mga kaso laban dito dahil sa pagpapatay umano kay Batocabe.