julius-segovia

Naging biruan na tuwing Pasko ang pagtatago nina Ninong at Ninang sa kanilang mga inaanak. Gaya ko na mahigit sisenta na ang bilang ng inaanak, mauubusan ka naman talaga ng pera sa dami ng maghahanap sa’yo sa December 25.

Pero hindi kaila­ngang magtago. Ba­wal ang ‘no show’ ngayong Pasko. Nagsisilbing ikalawang magulang ng mga bata ang mga Ninong at Ninang. Gabay sila sakaling wala sina Nanay at Tatay. Kaya hindi dapat pinagtataguan ang mga inaanak.

Sa totoo lang, hindi pagbibigay ng pera o anumang regalo ang diwa ng Pasko. Ika nga ng aking mentor at kila­lang sociologist na si Bro. Clifford Sorita, “Ang Ninong at Ninang ay hindi Bangko Sentral ng Pilipinas, kundi ga­bay sa’yong pamumuhay bilang Kristiyano.”

Aminin man natin o hindi, nagiging negosyo na ang pagpapabinyag dito sa Pilipinas. Ilang beses na akong nakadalo ng binyagan na mahigit dalawang dosena kaming mga Ninong at Ninang. Hindi mo naman masisisi. Kung minsan, talagang palakaibigan lang sina Mommy at Daddy.

Sabi nila, ang Pasko ay para sa mga bata. At dahil isang beses lang mag-Pasko sa isang taon, dapat may maiabot pa rin tayo sa ating mga inaanak. Hindi naman kailangang maging magarbo. Ang maha­laga, naalala natin sila.

Para hindi rin ma­bigat sa bulsa, sa susunod na taon – unti-unti ka nang mamili ng re­galo habang maaga. Mahirap kasing maki­pagsabayan sa Christmas shopping lalo na kung marami ka pang ibang pagkakagastusan.

Sa mga inaanak naman d’yan, huwag mag-expect nang todo kina Ninong at Ninang. Magpasalamat sa anumang biyayang matatanggap. Ang importante, mabi­sita mo sila sa Pasko para makapag-mano. Sa huli, ang diwa naman talaga ng Pasko ay pagmamahalan.