Naghain kahapon si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ng panukala na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng plastik sa mga food establishment, tindahan at pamilihan gayundin ang importasyon at paggawa nito.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 40 o Single-Use Plastics Regulation and Management Act of 2019, ipinanukala doon na itigil na ang paggamit ng lahat ng single-use plastic isang taon matapos ang effectivity ng panukala at pagmultahin ang mga hindi magpapatupad nito.
Ang mga magre-recyle naman ng mga plastic ay bibigyan ng insentibo.
Ayon kay Pangilinan, dapat itigil na ang paggamit ng plastic dahil nahihirapan ang gobyerno sa pagsasaayos ng mga basura na nagiging banta sa pagkasira ng ating kalikasan.
Sa pag-aaral ng United Nations Environment Programme noong 2015 na pinamagatang ‘Plastic Waste Inputs From Land Into Ocean’, lumalabas na 81% ng 6,237,653 kilo ng plastic waste kada araw ang mismanaged. Ibig sabihin ay mga nagkalat o basurang itinapon sa lupa at hindi maayos na natakpan. (Dindo Matining)