Bawal magdaos ng rally sa harap ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City sa Disyembre 19 kung saan nakatakdang ibaba ang desisyon sa Maguindanao massacre
“Ayaw rin namin sa harap ng gate namin, puwede sila sa sidewalk, basta hindi sila makakaistorbo sa daloy ng trapiko,” pahayag ni NCRPO chief Brig. Gen. Debold Sinas sa isinagawang press briefing kahapon.
Ang nasabing kautusan ay para sa mga supporter ng pangunahing akusado na si Datu Andal ‘Unsay’ Ampatuan, Jr.
Magkakaroon din ng lockdown sa anim na kulungan sa Camp Bagong Diwa simula sa Disyembre 18 at 19.
Lahat ng mga bisita ay bawal muna sa anim na detention cell sa nabatid na araw.
“Hindi muna (bisita) para maka-focus kami sa promulgation,” dagdag ni Sinas.
Mahigpit din ang seguridad sa mga judge at abogadong dumidinig ng kaso at bibigyan ng proteksyon ang mga ito hanggang sa maging normal na ang sitwasyon.
“We have constant contact with them para hindi sila feel threatened,” pahayag ni Sinas. (Edwin Balasa)