Bawal makipagrelasyon ang pulis sa preso — Gamboa

“Falling in love with detainee is not an excuse to commit crime”.

Ito ang mariing bilin ni Philippine National Police (PNP) Chief Gene­ral Archie Gamboa sa kapulisan matapos ang naganap na pag-aresto kay Argao, Cebu Municipal Police Station chief of Police Major Ildefonso Miranda na naaktuhang katabi ang isang babaeng preso sa kanyang silid.

Si Police Maj. Miranda ay nadakip ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) noong Huwebes habang katabi ang isang babaeng preso sa kanyang kama at ang isa pang preso ay nasa labas naman ng kanyang kuwarto imbes na nasa selda ang mga ito.

Ayon kay Gamboa, mahigpit ang bilin sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagiging malinis ng mga pulis sa lahat ng pamamaraan at kabilang na dito ang hindi pagkakaroon ng relasyon sa mga babaeng detainee lalo na sa drug offender. Matatandang base sa ulat ng IMEG, si Police Maj.
Ildefonso Miranda ay may dalawang preso na pinapalabas sa selda.

Isa dito ay kanyang karelasyon habang ang isang preso naman ay ginagawang helper ng pulis.

Samantala nauna namang sinabi ni Miranda na ang tanging naging kasalanan lang niya ay ang umibig. (Edwin Balasa)