Nakatakda nang ipagbawal sa mga lansangan o ang pagbibiyahe ng nakamotorsiklong pamamasada ang Angkas.
Maliban sa nahihirapan ang LTFRB na masawata ang tinatawag nitong kolorum na uri ng pamamasada ng Angkas, malaki diumano ang pagkukulang nito sa kapakanan ng kaligtasan ng mga pasahero nito.
Ayon sa LTFRB, sobrang delikado ang kalagayan ng mga pasahero sa istilo ng pamamasada ng Angkas na hindi rin kasi makapagbigay nang malinaw na framework na may kinalaman sa kaligtasan ng mga umaangkas dito.
Naglabasan ang naka-single na motor na pamamasada kaalinsabay nang mauso ang Uber at Grab nitong mga nakaraang taon. Maging sa mga de-kotseng uri ng pamamasada ng Grab at Uber at iba pa, sadyang pahirap para sa LTFRB ang masubaybayan ang taripang sinisingil ng mga ito sa mamamayang pasahero.
Ngunit malayong-malayo naman ang diperensiya ng naka-single na motor kontra sa de-kotseng pamamasada. Isa nang problema rito ay kung biglang buhos ng ulan at tyak ligo sa ulan ang pasahero nga naman ng Angkas. Dito ay walang mailabas na konkretong solusyon si Angkas.
Paano pa ang sagutin nito sa kanyang pasahero kung madisgrasya o sumemplang si Angkas. Sa eksperyensiya ng inyong lingkod, ay bokya rin si Angkas diyan kahit na may sinasabi ang kompanya na kargo nito si pasahero anuman ang sapitin nito sa pagsakay o pag-angkas kay Angkas. Hindi natin makuha agad ang komento rito ng presidente ng Angkas na si Bryan Medrano.
Kapit-village ng inyong lingkod si Ginoong Bryan sa Avida Sto. Tomas, Batangas ngunit dahil napadpad na tayo rito sa Makati ay hindi ko pa nakakadahupang-palad ito nang personal. Totoo na hindi rin madali para sa mga umaasa sa hanapbuhay Angkas ang ipagbawal ito ng LTFRB.
Marami ang magugutom at maraming motorcycle producer ang iiyak nito dahil tiyak na magkakarematahan ng libong motor sa susunod na mga araw.
Ikinalulungkot ng Moto Rista ang ganitong kaganapan ngunit mas supremo kasi ang kaligtasan ng mas nakararaming pasahero.