Nalagay sa kontrobersiya ang National Anti-Poverty ­Commission (NAPC) dahil sa pagpapaskil ng isang derogatory comments laban kina Vice President Leni Robredo at sa aktres na si Agot Isidro gamit ang social media accounts ng tanggapan.

Sa post sa NAPC Facebook at Twitter account nitong Lunes bandang alas-tres ng hapon ay nakapaskil ang mga katagang “Ang pagkakapareho ni Agot Isidro at VP Leni Robredo — ­takot silang magutom”.

Ang nasabing post sa social media gamit ang account ng NAPC ay umani ng batikos dahil sa paniniwala ng mga ­nakabasa na opisyal itong posisyon ng tanggapan na hindi ­naman katanggap-tanggap.

Dahil bilang tanggapan ng gobyerno ay dapat ang kapakanan­ ng taumbayan ang pinagtutuunan ng pansin at hindi ang mga katulad ng ganitong isyu na nagdudulot lamang ng pagkakahati-­hati ng sambayanang Filipino.

Ayon nga sa NAPC ang lumabas na komento ay hindi ­naglalarawan ng views at values ng tanggapan.

Naging maagap din ang NAPC dahil agad na humingi ng paumanhin si NAPC lead convener Liza Masa kung saan ay napag-alamang ­nagamit ng tagapamahala ng social media ng NAPC ang accounts sa personal nitong pananaw sa usapin.

Sa ganang amin, magsilbing panggising sana sa iba pang tanggapan ng pamahalaan ang pangyayaring ito upang hindi na maulit.

Naniniwala kaming napapanahon para ipaalam sa mga tagapamahala ng social media accounts ng alinmang tanggapan o ahensya ng gobyerno na hindi­ sila bumuo ng mga accounts para sumawsaw sa mga isyung pampulitika at sa halip ay pagpapalaganap ng mga kapaki-­pakinabang na impormasyon na maghahatid ng kapakinabangan­ sa taumbayan ang dapat nilang pagtuunan ng pansin.