Kung marami ang pumapalag, mga tsong, sa mungkahing Muslim-only ID system na sa tingin ng mga kritiko ay isang uri ng diskriminasyon, mukhang marami naman ang pabor sa isa pang ID system na planong ipatupad para naman sa mga bayani nating overseas Filipino workers (OFWs).
Inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na ilulunsad na nila ngayong Hulyo ang tinatawag na OFW ID o iDole ID, na ipapalit sa kinasusuklaman ng mga OFW na overseas employment certificate o OEC.
Noon pa man, parang kontrabida na sa teleserye ang dating ng OEC para sa mga OFW dahil bukod sa pinapahirapan sila sa pagkuha nito, eh pakiramdaman nila ay ginagamit lang itong paraan ng gobyerno para gatasan pa sila.
Hindi naman natin masisisi ang mga OFW kung ganito ang maging pagtingin nila sa OEC. Aba’y kaydami na nga naman nilang hirap sa pag-aaplay para makakuha ng trabaho, didiskarte pa sila ng pagkukunan ng pambayad sa mga pagproseso ng mga dokumento, malalayo na sila sa kanilang mga mahal sa buhay, aba’y pahihirapan pa ba naman sila ng kapirasong papel na magpapatunay na sila’y OFW…at may bayad pa.
Sa ipinapadala pa lang na remittances ng mga OFW at peligro na kanilang haharapin para kumayod sa ibang bansa, dapat naman yata eh humanap talaga ng mga paraan at programa ang gobyerno na makababawas sa pasakit sa kanila at kanilang pamilya.
Noong nakaraang Abril, iniutos ng DOLE na suspindihin ang pagpapalabas ng OEC dahil sa alegasyon na mayroong mga bugoy sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), na ginagamit ito para bakalan ang mga kababayan nating nais na mangibang-bansa. Gayunman, binawi rin ang suspensyon na ito noong Mayo.
Pero hindi lang ang mga papaalis na OFW ang bad trip sa OEC kung hindi maging ang mga OFW na bumabalik lang sa bansa para magbakasyon. Maging sila kasi ay obligadong kumuha nito bilang mga balik-manggagawa. Kahit limitado lang kasi ang araw ng kanilang pananatili sa bansa, kailangan pa nilang maglaan ng araw para sa naturang dokumento na 60 araw lang naman ang bisa.
Malamang kung ang ating mga kurimaw ang tatanungin, malamang magiging masaya rin sila sa ipatutupad na OFW ID, lalo na kung bukod sa pamalit ito sa OEC eh talagang ipamamahagi ito nang libre. Magamit din sana nila ang ID sa ibang bagay o iba pang pakikipagtransaksyon.
Malay natin, baka puwedeng gamitin ang ID na ‘yan para makapagpadala sila ng remittance sa mas mababang singil, pangkuha ng kanilang mga benepisyo, magsilbing health card, magamit sa pagsa-shopping at puwede pang lagyan ng “points” o “miles”, oh ‘di ba bongga?
Iyon nga lang, dahil Pinoy tayo, tiyak na hindi mawawala ang mga kumag na baka gamitin nang gamitin sa kalokohan ang OFW ID sa hindi kaiga-igayang paraan. Iyan ang dapat na bantayan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)