Bawas presyo ng mga produktong petrolyo ipapatupad

Magpapatupad ngayong araw ng panibagong pagtatapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga lokal na kompanya ng langis sa bansa.

Sa magkakahiwalay na abiso ng malalaking kompanyang Petron Corporation at Pilipinas Shell, nakatakda nilang ipatupad ang P1.14 pagbabawas sa presyo ng kanilang diesel, P0.55 sentimo sa gasolina at P0.60 sentimo sa kerosine epektibo alas-6:00 ngayong umaga.

Mauuna namang ipatupad ng Chevron Corporation ang kahalintulad na halaga pagsapit ng alas-12:01 ng hatinggabi habang nag-anunsiyo rin ang maliliit na kompanyang PTT Philippines, Petro Gazz, Flying V at Unioil ng kaparehong bawas-presyo na ipapatupad ng alas-6:00 ng umaga.

Karamihan sa mga maliliit na kompanya ng langis sa bansa ay hindi nagbebenta ng kerosene.

Bagama’t wala pang inilalabas na anunsiyo ang iba pang kompanya ng langis, inaasahan namang susunod din sila sa pagtatapyas ng presyo ng kani-kanilang produkto tulad ng mga naunang pangyayari.

Ibinabatay naman ang pagtatapyas o pagtataas sa presyo ng langis sa bansa ang paggalaw ng halaga nito sa pandaigdigang pamilihan. (Edison Reyes)