Bawas presyo sa LPG, gasolina, diesel

Nagpatupad ng bawas presyo sa liquified petroleum gas (LPG) ang ilang kompanya ng langis sa bansa epektibo nitong Linggo nang hatinggabi.

Ayon sa Petron Corporation, nagbaba ng P2.20 sa presyo ng kada kilo ang kanilang Gasul at Fiesta Gas katumbas ng P24.20 sa bawat 11 kilogram na tangke ng LPG nito.

Bukod dito, nagtapyas din ang Petron ng P1.25 sa kada litro ng kanilang Auto-LPG.

Hindi naman nagpahuli ang Phoenix Petroleum na nagpatupad ng aparehong bawas presyo sa LPG at Auto-LPG.

Nagbawas din ang Solane ng P1.95 sa kada kilo ng kanilang LPG epektibo alas-sais nang umaga nitong Linggo.

Ibinaba ang presyo ng LPG dahil na rin umano sa pagbaba ng contract price nito para sa buwan ng Pebrero.

Samantala, nag-anunsyo na rin ng bawas presyo sa gasolina at diesel ang ilang kompanya ng langis.

Unang nagpatupad ng bawas presyo ang Phoenix Petroleum na batay sa anunsyo nito, nagbaba ng P2 sa presyo ng kada litro ng diesel at P1.60 sa gasolina.

Bunsod naman ng pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ang price rollback sa mga produktong petrolyo. (Armida Rico)