Bawas tapon-bola kailangan ng NLEX – Coach Yeng

Mga laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
4:30 pm – Phoenix vs. Columbian
7 pm – NLEX vs. TNT

Hindi sumusuko si Coach Yeng Guiao kahit lubog sa 0-2 ang kanyang NLEX Road Warriors sa kaagahan ng PBA Philippine Cup elims.

Tumukod ang Road Warriors sa Rain or Shine 96-87 noong Biyernes, naubusan ulit sa NorthPort 95-90 noong Linggo.
“We’re disappointed, definitely,” wika ni Guiao. “We’re expecting a lot more than a 0-2 start. But I’m not losing hope.”

Mahaba pa ang conference, positibo si Guiao na makakabawi pa.

Babalik ang NLEX sa Smart Araneta Coliseum para subukang sikwatin ang unang panalo laban sa inaalat ding TNT KaTropa.

Pagkatapos ng sagupaan sa nightcap (7:00 p. m.) mamaya, isa sa Road Warriors at Texters ang papasok sa win-column.
Talo ang TNT sa Ginebra 90-79 sa opening day noong Jan. 13, makalipas ang anim na araw ay yumuko rin sa Phoenix 93-84.

Huling inumpisahan ng TNT ang season sa 0-2 ay noong 2003. Huling inumpisahan ng Texters ang isang conference sa back-to-back losses noong 2009 PBA Fiesta.

Mas marami nang touches sa bola ang bagong big man ng NLEX na si Poy Erram kontra Batang Pier, pero napuwersa naman sa 23 turnovers ang Road Warriors na nagresulta sa 24 points ng NorthPort.

Kailangan nilang malimitahan ang turnovers para makuha ang breakthrough win.

“We just turned the ball over too many times. We just did not survive our turnover,” dagdag ni Guiao.