Pasukan na sa susunod na dalawang buwan at ngayon pa lang ay nag-iisip na ang mga magulang kung saan kukuha ng pambayad sa matrikula ng kanilang mga anak dahil tatlong buwan ng halos walang trabaho ang karamihan dahil sa COVID crisis.
Malaking problema ngayon sa mga magulang na nagpapaaral ng kanilang mga anak sa mga pribadong eskuwelahan kung ie-enroll ang mga ito dahil bukod sa pambayad sa tuition fee ay nangangamba rin sila sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang bakuna laban sa coronavirus kaya peligroso para sa mga estudyante na pumasok sa eskuwelahan.
May mga mambabatas ang nagmungkahi na sana ay magkaroon ng payment scheme lalo na sa mga kolehiyo at unibersidad para maka-enroll ang mga estudyante ngayong pasukan.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakapansin na hindi nagbawas ng tuition fee ang mga pribadong paaralan, at kung mayroon man ay halos kakarampot lang.
Pero ayon sa Commission on Higher Education (CHED), hindi lahat ng pribadong paaralaan lalo na sa kolehiyo ay self-sustainance o may kakayahang pasuwelduhin ang kanilang mga faculty at empleyado.
Mas maraming pribadong paaralan ang umaasa sa kita mula sa matrikula ng mga estudyante at kapag nagbawas ng tuition fee ay posibleng magkaroon ng retrenchment sa mga faculty at mga empleyado.
Ayon sa CHED, kapag nagbawas ng mga guro, hindi ang mga paaralan ang lugi kundi ang mga estudyante dahil walang magtuturo sa mga ito.
Dahil dito may mungkahi ang ilang stakeholders na tumulong ang Kongreso para mabalanse ang epekto ng COVID crisis at pagbawas sa tuition fee ng mga mag-aaral.
May hirit ang mga private educational institutions sa Kongreso na isali sila sa binabakangkas na Bayanihan 2 Act sa pamamagitan ng economic stimulus package para hindi na nila kailangang magtaas ng tuition fee.
Mayroon ding mungkahi na tulungan ang mga estudyanteng walang kakayahan ang mga magulang dahil sa epekto ng COVID crisis sa pamamagitan ng soft loan o kaunting grant mula sa gobyerno para maitawid kahit ang unang semestre at mabigyan ng pang-tuition.
Ang tinitingnan ngayon ng gobyerno at ng CHED ay ang mga anak ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na posibleng hindi makapag-enroll ngayong school year dahil maramk sa mga ito ang nawalan ng trabaho at napauwi sa bansa dahil sa COVID pandemic.
Ang mga gastusin sa edukasyon o pag-aaral ng mga estudyante ang isa lamang sa matinding problema ngayon ng mayorya ng mga Pilipino dahil sa tatlong buwang pasok sa trabaho at walang kita kaya ito ang nagpapasakit sa ulo ngayon ng maraming mga magulang sa bansa. Kung kailan makakabangon? Maaaring sa mga susunod na buwan o susunod na taon, depende sa disiplina ng mga tao para maging COVID free na ang bansa.