Bawat LGU sa Negros binigyan ng P1M rice subsidy

Naglaan ang provincial government ng Negros Occidental ng P31 milyon bilang rice subsidy para sa 31 bayan at siyudad habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang kanilang lalawigan simula ngayong Lunes.

Mayroong 19 na bayan at 12 siyudad ang Negros Occidental.

Tatanggap ang bawat local government unit (LGU) ng tulong na bigas na nagkakahalaga ng P1 milyon.

Ayon kay Charina Magallanes-Tan, executive assistant ni Governor Eugenio Jose Lacson, ang mga bigas na binili sa National Food Authority (NFA) ay ibinigay na sa mga LGU simula pa noong Biyernes.

Aniya, sa halip na cash, mas pinili ng mga local chief executive ang P1 milyong halaga ng rice subsidy.

Sabi pa ni Magallanes-Tan, dagdag na suporta ito ng provincial government para sa mga LGU na mayroon ding mga inilaan na tulong para sa kanilang mga nasasakupan.

Noong Huwebes ay nag-isyu si Lacson ng Executive Order No. 20-20 kung saan isinailalim nito ang buong Negros Occidental sa enhanced community quarantine sa loob ng 14 araw bilang pag-iingat laban sa pagkalat o local transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Epektibo ng alas-12:01 ng hatinggabi ngayong Lunes, Marso 30 ang enhanced community quarantine at matatapos ito dakong alas-11:59 ng gabi sa Abril 14.(Prince Golez)