BAWI ANG BALIPURE!

gretchen-soltones

Pinatalsik ng BaliPure sa trono ang Pocari Sweat nang ikasa ang 25-20, 19-25, 25-23, 26-24 Game 2 victory kagabi para sikwatin ang titulo ng Premier ­Volleyball League Open Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nagsanib-puwersa Finals MVP Grethcel Soltones, Risa Sato, Jerrili Malabanan, Aiko Urdas at setter Jasmine Nabor para balikatin ang Reinforced Conference runner-up na biguin ang tangkang four-peat ng Lady Warriors.

Ipinakita ng Water Defenders ang tatag at determinasyon matapos makipagdikdikan ang Pocari Sweat sa homestretch.

Nalusaw ang five-point 18-13 lead ng BaliPure sa fourth set, naitabla ng Lady Warriors sa 21 sa likod ni Conference MVP Myla Pablo.

Hindi nasira ang diskarte ng Water Defenders, humataw si Soltones ng crosscourt hit sabay ng magagandang plays ni Nabor at nasilo ang unang titulo sa liga na inorganisa ng Sports Vision.

Nakabawi ang Water Defenders sa talo sa Finals ng nakaraang conference ­laban sa Lady Warriors.

Sa first set naghabol ang Water Defenders, 8-2, pinamunuan nina Soltones at Urdas ang 20-9 run tungo sa pagkopo ng unang set win.

Ilang beses din ipinakita ng Lady Warriors ang pusong champion pero nanaig ang determinasyon ng Water Defenders.