Bayanihan ang Navy

ANGELES CITY, Pampanga — Tatlong Navy-Standard Insurance riders ang nasa unahan ng overall standings kaya wala silang ibang gagawin kundi magtulungan sa Stage Three ng LBC Ronda Pilipinas 2017 edition para manatili sa unahan.

Kapit ni Rudy Roque, 25, ang top spot matapos ang dalawang sunod na segundo sa Stages 1 at 2 sa Vigan, Ilocos Sur.

“Mahirap ‘yung susunod na tatlong stages maraming akyatan kaya tutulungan namin si Roque para manatili sa kanya ang red jersey.” wika ni Ronald Lomotos na pinagharian ang Stage 1 at ngayon ay No. 2 overall.

Nakalikom ang tubong Tibo, Bataan na si Roque ng 5 hours, 3 minutes, 3 seconds sa event na taya ang P1 milyong premyo sa magkakampeon mula LBC at partners MVP Sports Foundation, Pet­ron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Nirehistro ni Lomotos ang 5:03:23, No. 3 overall si Archie Cardana (5:03:44).

Sisimulan ang 137-kilometer stage sa Angeles Municipilality Hall at magtatapos sa Subic Bay sa Zambales.

Babasahin naman ni defending champion Jan Paul Morales ang sitwasyon ng laban, planong umatake sa mga akyatan para makalapit sa kanyang mga kakampi.