Bayanihan buhay pa rin

Nakakataba ng puso ang ipinapakitang pagtulong ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa mga biktima nang pagsabog ng Bulkang Taal sa Batangas.

Mula sa maagap na pagdating ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ay nakikita sa social media ang boluntar­yong pag-abot ng tulong ng iba’t ibang grupo at maging mga indibidwal na nais magpakita ng kanilang pag-aalalay at malasakit sa mga kababayang naapektuhan ng pag-alburoto ng bulkan nitong Linggo ng hapon.

Ang sabi nga ng isang halal na opisyal na nanguna sa 50 vehicle convoy na may mga lamang food pack at iba pang uri ng tulong mula sa Central Luzon ay ‘payback time’ o ibi­nabalik lamang nila ang pabor na natanggap nilang mga tulong nang sila naman ang nakaranas ng krisis sa pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1991.

Dumadagsa ang natatanggap na tulong ng mga biktima nang pagputok ng Bulkang Taal dahil bukod sa mga galing sa national at local government, at iba’t ibang grupo, nagboluntaryo rin ang ilang pribadong kompanya na magdala ng malinis na tubig, ang iba ay portalet at gene­rator para maging komportable ang mga nasa evacuation center.

Mahirap ang kala­gayan ng mga nasa evacuation center dahil hindi makagalaw ng maayos ang mga bakwit pero dahil sa ipinapakitang pagdamay ng mga pribadong indibidwal ay gumagaan kahit papaano ang bigat na na­raramdaman sa kanilang puso at isipan.

Sa mga ganitong panahon ng ­pagsubok ay umiiral sa mga ­Pilipino ang bayanihan o pagtulong sa kapwa na minana pa sa mga ninuno natin.

Sa kabila ng moder­nong panahon kung saan inakalang nakalimutan na ang mga lumang kaugalian, nanatili sa puso ng mga Pilipino ang bayanihan at pagtulong sa kapwa.

Bagamat hindi humihingi ng tulong ang gobyerno sa ibang ­bansa, may mga ilan na nagboluntaryo at nagpadala ng tulong gaya ng China na nag-deliver ng sako-sakong bigas at peanut oil sakay ng barko makalipas lamang ang ilang araw mula ng pumutok ang bulkan.

Nakakahawa ang bayanihan ng mga Pilipino dahil maging ang mga taga-Visayas at Mindanao ay nagpadala na rin ng kanilang tulong ng walang kahalong pagbibida o media mileage na dating ginagawa ng mga epal na politiko.

May isang pangyayari lamang na nagdulot ng lungkot sa publiko dahil tatlong anghel na maagap tumulong sa mga sinalanta ng kalamidad ang nagbuwis ng buhay habang pauwi na mula sa kanilang misyon.

Ang ipinakitang malasakit at pagtulong ng tatlong kababayan na nasawi ay mananatili sa puso ng mga taong hinaplos ng kanilang pagdamay.