Bayanihan para kay Gonzaga

‘Di na mahalaga kung anong koponan ­nanggaling o kung saang larangan ­magaling, basta’t may ­nangangailangan ay ­handang magdamayan ang mga atletang Pinoy at Pinay.

Nakatutuwa ang umiikot ngayon sa social media na auction ng mga jersey ng iba’t ibang collegiate at pro player mula sa volleyball at basketball para sa isang misyon.

Noong nakaraang ­Oktubre 4 ay nabuo ang isang Facebook group na may ngalang ‘Volleyball Community Unites For Baby CV’ na naglalayong magbigay tulong para sa pamangkin ni national women’s indoor volleyball team member Jovelyn Gonzaga.

Sa ngayon ay nasa 50 nang manlalaro ang kalahok para sa jersey auction sa tatlong taong pamangkin ni Gonzaga na si Calix Vander dahil sa Acute Lymphoblastic Leukemia.

Ilan sa mga manlalarong magbibigay ng jersey para sa auction ay sina University of the Philippines guard Ricci Rivero, Petron libero Denden Lazaro, Cignal star Rachel Anne Daquis at Petron player Sisi Rondina.

Magandang adhikain ito para sa mga manlalaro na nagpapakita lang na nabubuhay pa rin ang espiritu ng camaraderie kahit sa labas ng court.

Para sa mga gustong makilahok sa auction ay pumunta lamang sa Facebook page na Volleyball Community Unites For Baby CV at nandoon na rin kung paano makakasali.

Sa naturang auction, ‘di ka lamang makakakuha ng memorabilia mula sa inyong mga idolo, makatutulong ka rin na gumaling ang isang musmos.
Ano pang inaantay niyo? Tara!