Erin Tanada
Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), mahigit 80 katao na ang namatay bunga ng pagbaha sa Bicol region simula pa noong Pasko. Karamihan sa malubhang naapektuhan ang mga kababayan natin sa Camarines Sur.
Ano ang mga naging paghahanda para maagapan ang pinsalang dulot ng bagyong Usman? Sa tala ng Pagasa at NDRRMC, ang bagyong Usman na ang isa sa pinakamalagim na bagyong tumama sa bansa nitong mga nakaraang panahon.
Masyadong malaki ang bilang ng nasawi—mahigit 86 na—at may posibilidad pang tumaas ito. Patuloy ang retrieval operation ng NDRCC.
Hindi naman nagkulang ang Pgasa sa pagsabing may isa pang malakas na bagyong tatama sa bansa bago ang 2019. May inilalaang calamity fund ang bawat probinsya. Bakit sa kabila nito ay malagim ang naging epekto ng bagyo sa Bicol at iba pang dinaanan nitong kalamidad? Ganu’n pa rin ang sinabi ng ating mga kababayan. Hindi sila naabisuhan para maihanda ang kani-kanilang sarili bago pa tumama ang bagyo sa kalupaan.
Natatandaan ko noong Agosto ng nakaraang taon, sinalanta din ang ating mga kababayan sa Pangasinan, lalo na sa siyudad ng Dagupan. Halos isang linggo na lubog sa tubig-baha ang Dagupan. Balikan natin at alamin kung paano nagamit ang pondo para sa anti-flooding measures ng siyudad?
Ayaw nating maiwan lang ito sa sisihan. Hindi ito ang panahon para diyan. Subalit kailangan nating humalaw ng aral dahil buhay ang nakataya dito.
Higit sa lahat, panalangin at bayanihan ang kailangan ng ating mga kababayan sa Bicol. Mahigit 26,000 katao ang nasasa evacuation centers pa. Kailangan nila ng tulong. Kailangan nila ng kalinga sa pamahalaan.
Nananawagan ako sa Red Cross at maging sa ibang civic organizations na magtulungan para sa ating mga kababayan sa Bicol. Simulan natin ang bayanihan.