Hinimok ni ACT-CIS Party List Rep. Eric Go Yap, na siya ring Legislative Caretaker ng lone Congressional District ng Benguet, ang mga alkalde o lokal na punong ehekutibo na magbayanihan, magtulungan at magkaisa para sa pag-unlad at sama-samang labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at ang kahirapan.
Ang panawagan ay ginawa ni Yap nang magtungo sa lalawigan ng Benguet noong Mayo 8, at bisitahin ang ilan sa mga barangay na pinakaapektado ng COVID-19 pandemic.
Sa kanyang pagbisita, pinagkalooban rin ng mambabatas ang mga barangay ng relief goods, sa pamamagitan ng kanyang Mobile Tulong.
Nabatid na ang Mobile Tulong ay isang continuous program ng mambabatas, na ang layunin ay bumisita sa bawat barangay sa lalawigan at maghatid ng tulong at iba pang pangangailangan para sa mga constituents.
“Tuloy tuloy lang ang ating pagtulong at personal tayong nagpunta sa ilang mga barangay sa Tublay, Benguet upang kamustahin din sila, at ipakita sa kanila na hindi sila nag-iisa at kasama nila ang kanilang Caretaker sa pagsubok na ito na dala ng COVID 19”, ani Yap.
Pinulong rin naman ni Yap ang mga alkalde ng Benguet at maging sa gobernador nito at nagbigay ng mahalagang mensahe sa mga ito ngayong nahaharap sa matinding pagsubok ang buong bansa.
Nabatid na binisita rin ni Yap ang Benguet General Hospital para personal na ma-check ang kalagayan ng mga frontliners at nag-donate ng ‘high flow oxygen’ para magamit bg pagamutan.
“Nakipag-ugnayan tayo sa pamunuan ng Benguet General Hospital at tinanong natin kung ano pa ang mga kailangan nila. Nagbigay din tayo ng mga PPEs at iba pang pangangailangan nila noong nagsimula ang krisis na ito. Pero itong high flow oxygen yung wala pa talaga sila at isa sa mga mahalaga para maiwasan daw yung mga respiratory failures sa mga pasyente nila,” ayon pa kay Yap.