Nakapanlulumo ang hitsura ng Tagaytay City na kilalang pasyalan ng maraming turista, mapa-lokal o banyaga. Ang dating ganda ng lungsod, nabalot ng abo mula sa pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Tigil-operasyon pa rin ang ilang pamosong pasyalan sa siyudad kanilang ang Skyranch. Marami ring restaurant at hotel, ang hindi pa rin nagbubukas hanggang ngayon.
Bagaman operational na ang ilang establisyimento, kitang-kita pa ring tumamlay ang dating sigla ng lungsod. Nagmistula ngang may ‘gray scale’ filter ang paligid dahil sa abo.
Pero kilala tayong mga Pilipino sa pagiging matatag sa gitna ng mga pagsubok. Sa totoo lang, nakaka-proud na makitang nagtutulungan ang bawat isa maiahon lang ang mga residenteng nasalanta ng Taal eruption.
Bukod sa relief operations mula sa gobyerno at mga pribadong sektor, nakatutuwa ring tingnan ang tulong na galing mismo sa mga naapektuhan din ng pagsabog ng bulkan.
Nakaiiyak tingnan ang sinapit ng maraming negosyo kabilang ang Petro Gazz station sa Barangay Pasong Langka, Silang, Cavite. Nabalot ng abo ang buong gasolinahan. Ilang araw ring tigil-operasyon dahil walang kuryente at tubig. Buti na lang at may generator kaya pansamantalang nakapagbukas.
Ang nakatataba nang puso – sa gitna ng paghihirap, nagawa pa rin ng Petro Gazz management na mamigay ng face masks at bottled water sa mga customer. Bagay na ikinatuwa ng mga motorista.
Likas na sa ating mga Pilipino ang pagiging matulungin sa kapwa. Sa gitna ng kalamidad, bukas-palad at handang tumulong ang bawat isa sa mga nangangailangan.
Dahil sa ugaling ‘yan, tiyak akong mabilis na makababangon ang mga nasalantang lugar partikular ang mga lalawigan ng Batangas at Cavite.