Bayanihan sa Manila Bay ituloy sa mga sidewalk ng Metro Manila

Malaking tagumpay ang inilunsad na “Battle of Manila Bay” noong nakalipas na linggo dahil matapos ang maghapong paglilinis ay usap-usapan pa rin hanggang ngayon, ma­ging sa social media ang napakalaking impact at resulta ng paghahakot ng mga basura sa gilid ng dagat.

Katunayan, dinarayo ngayon ang Roxas Boulevard partikular sa Baywalk sa Lungsod ng Maynila para personal na masilayan ang pagbabago ng Manila Bay.

Lahat ay natutuwa dahil sa napakatagal na panahon ay ngayon lamang nagawa ang ganitong pagbabago sa kasalukuyang administrasyon.

Taong 2008 pa iniutos ng Korte Suprema na isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay pero nagtengang-kawali lamang ang mga nagdaang administrasyon, lalo na ang mga dating opisyal ng DENR na walang ginawa at nagbutas lang ng silya sa kanilang opisina.

Siyempre pa, nagpapasalamat ang publiko sa mga nangunang ahensiya gaya ng DENR, DILG, DSWD para maisakatuparan ang paglilinis sa Manila Bay katulong ang 5,000 volunteers.

Pero hindi mangyayari ito kung hindi sa political will ng kasalukuyang ­administrasyon.

Gusto ko lang lina­win, ang paglilinis ay hindi isang araw lang kundi tuloy-tuloy ito sa loob ng pitong taon, at ito ay sa pamamagitan ng rehabilitasyon na pinondohan ng gobyerno ng P47 bilyon. Hindi lang ito sa Roxas Boulevard kundi buong Manila Bay, at sumabay na rin sa paglilinis ang mga bayan ng Cavite, Bulacan, Pampanga at Bulacan.

Dahil nabuhay ang bayanihan ng mga Filipino, iminumungkahi sa gobyerno na isama na ring linisin ang mga maruruming bangketa sa Metro Manila para maging ganap na malinis ang kapaligiran.

Sa totoo lang, kapag napapadpad ako sa ibang bansa ay nanliliit ako dahil malinis ang kanilang kapaligiran kumpara sa Metro Manila na pangunahing siyudad pero madumi, kalat ang basura,amoy patay at pati estero ay naging malaking tapunan ng hindi maipaliwanag na kalat.

Sana lang, ipakita rin ng MMDA ang kanilang political will para malinis ang lahat ng mga maruruming bangketa sa Metro Manila dahil isa ang mga ito sa mga nagpapadumi sa paningin.

Kapag malinis ang Manila Bay at malinis din ang mga sidewalk, tiyak malaking ginhawa ito sa mga mamamayan at maipagmamalaking may pag-asa pa ang Metro Manila na makipagsabayan sa mga pangunahing lungsod sa Asya.
Kamay na bakal, disiplina at determinasyon lang ang kulang sa mga Filipino para maging maayos ang bansa.