Katulad ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngayong Linggo na pormal na sisimulan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang rehabilitation program para buhayin ang kagandahan ng Manila Bay.
Una nang ipinahayag ng Pangulo ang paglilinis sa Manila Bay sa idinaos na Barangay Summit on Peace and Order sa Cuneta Astrodome, Pasay City noong Enero 8.
Matatandaan na sa kanyang talumpati sa naturang okasyon ay binakbakan ng Pangulo ang mga hotel at iba pang establisimyento na nagtatapon ng dumi sa Manila Bay at sinabing kanya nang inatasan sina DENR Secretary Roy Cimatu at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año para simulan ang Manila Bay clean-up.
“They will start to clean it, whether they like it or not, lahat itong… Itong mga hotel,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa harap ng mga lokal na opisyal.
“‘Lagyan ninyo ng water treatment ‘yang hotel niyo, ‘pag hindi, sirahan ko ‘yan. Huwag mo akong hamunin. Eh kung wala tayong turista, eh ‘di wala.
Hindi naman tayo mamamatay. You do something about your waste there or otherwise I will close it. Sigurado ‘yan,” babala pa ni Pangulong Duterte.
Ngayong Linggo ang kick-off activity ng Manila Bay rehabilitation program sa pamamagitan ng pagtitipon-tipon sa Quirino Grandstand ng mga lalahok sa pagsisimula ng paglilinis na sabay-sabay ding maglalakad patungong Baywalk sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
Kaugnay nito, inatasan ng DILG ang mga lokal na pamahalaan at barangay na nakakasakop sa Manila Bay na tumulong sa rehabilitasyon nito.
Sa pamamagitan ng isang memorandum circular, inatasan ni Año ang mga local government unit na magsagawa ng lingguhang paglilinis sa Manila Bay sa nasasakupan nilang lugar.
Hinikayat din ang paglahok ng mga volunteer, non-government organization, civil society, mga estudyante at iba pang grupo para malinis na ang Manila Bay. (Armida Rico/Dolly Cabreza)